Naniniwala si Navotas Rep. Toby Tiangco na ang ikaapat na impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte ay bilang reaction ng kaniyang mga kritiko laban sa kaniyang pag-anunsyo na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2028.
Kung babalikan noong umaga ng Pebrero-19, nag-anunsyo si VP Sara na siya ay kakandidato sa pagkapangulo sa susunod na general elections.
Kinahapunan, inihain na ang ika-apat na impeachment complaint laban sa kaniya kung saan nagsilbing sponsor sina Deputy Speaker Paolo Ortega at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., dalawa sa mga pangunahing kritiko ng pangalawang pangulo.
Sa isang panayam, sinabi ni Tiangco na ang huling complaint ay posibleng reaction lamang sa naunang announcement ni VP Sara dahil ito ang nagsisilbing pinakamabigat na reklamo.
Katwiran ng batikang mambabatas, ang naunang tatlong reklamo ay pawang inihain ng mga miyembro ng minority bloc na posibleng hindi rin makakakuha ng sapat na boto, o mahigit 106 na boto mula sa mga miyembro ng Kamara.
Habang ang ika-apat na reklamo ay sinuportahan at inendorso ng mga miyembro ng majority na sina Ortega at Abante na parehong senior party leader sa Kamara.
Mahalaga aniya na tingnan ito sa party affiliation, dahil kailangang makita kung sino ang posibleng susuporta kinalaunan sa naturang reklamo.
Giit ni Tiangco, imposibleng naghain sila ng reklamo nang hindi nagkakaroon ng konsultasyon sa pagitan ng mga miyembro at lider ng partido.
Posible ring sinabihan ng partido aniya ang dalawang mambabatas na ihain ang reklamo.
Sina Ortega at Abante Jr. ay miyembro ng Lakas CMD at NUP. Ang Lakas, ayon kay Tiangco, ay may mahigit 100 miyembro sa Kamara habang ang NUP ay may mahigit 40 nakaupong miyembro.















