Ibinunyag ni Pasig City Mayor Vico Sotto na pinagbabantaan umano ng mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya ang dati nilang mga empleyado na posibleng tumestigo laban sa kanila at bina-blackmail ang mga mambabatas at nanghihingi ng bayad para hindi sila ilaglag na kasama sa umano’y hawak nilang ledger na naglalaman ng listahan ng mga opisyal na sangkot sa maanomaliyang flood control projects.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ng alkalde na may ilang taong nagsabi sa kaniya na patuloy ang pananakot ng mag-asawa sa kanilang dating mga empleyado upang hindi tumestigo laban sa kanila.
Ayon kay Mayor Sotto, sinabi ng dalawang mambabatas sa kaniya na humingi umano ang mag-asawang Discaya ng pera kapalit ng hindi pagsama sa kanila sa ledger.
Samantala, sinabi rin ni Mayor Sotto na bagamat magandang simula ang pag-aresto sa Discaya, mas marami pa aniya ang dapat na managot.
Matatandaan, kabilang si Sarah Discaya sa mga kinasuhan ng Office of the Ombudsman para sa graft at malversation kaugnay sa umano’y P96.5 million ghost flood control projects.
Kasalukuyang nakapiit si Sarah Discaya sa BJMP sa Lapu-Lapu City, Cebu habang si Curlee Discaya naman ay nakadetine sa Senado matapos ma-cite in contempt.
















