-- Advertisements --

Inilutang ni dating Philippine Special Envoy for Public Diplomacy to China Ramon Tulfo ang umano’y pakikipag-ugnayan ng mga BGC Boys sa kampo ni Vice President Sara Duterte.

Sa isang Facebook post, sinabi ng dating special envoy na ito ay bahagi ng game plan kasunod ng tuluyang pagbawi nina dating Department of Public Workes and Highways engineer Henry Alcantara, Bryce Hernandez, at JP Mendoza sa kanilang mga naunang salaysay.

Paliwanag ng dating Duterte appointee, sumesentro ang pakikipag-ugnayan ng kampo ng BGC Boys sa usapin ng impeachment vs VP Sara.

Ang pag-asa umano ng mga ito ay ang ma-acquit si VP Sara sa Senado na magsisilbing impeachment court para tuluyan siyang maging pangulo sa 2028.

Alam aniya ng mga dating DPWH official na sila ang madidiin at makukulong sa plunder cases na may kaugnayan sa flood control scandal, at kung nanalo si VP Sara, posibleng bibigyan sila ng executive clemency, na bahagi ng gameplan.

Sa kasalukuyan, wala pang kumpirmasyon sa naturang ulat, ngunit una nang nilinaw ng Department of Justice na wala pang pormal na pagbawing ginawa ng kampo ni Alcantara sa kaniyang mga naunang pahayag.