Pumalo na sa P248 million ang halaga ng perang narekober ng pamahalaan mula sa mga umaming nakatanggap ng kickbacks mula sa maanomaliyang flood control projects.
Kabilang dito P7 million na laman ng bank account ni dating DPWH USec. Roberto Bernardo na kaniyang isinauli noong Nobiyembre, subalit kasalukuyan itong naka-freeze kasunod ng hiling ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Matatandaan, nakaladkad ang pangalan ni Bernardo bilang nagbibigay umano ng mga komisyon sa mga kampo nina Sen. Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, ex-Sen. Bong Revilla, ex-Ako Bicol Party List Rep. Elizaldy Co at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon mula sa flood control projects. Isa rin umano si Bernardo sa nag-request ng nasa 25% na kickbacks.
Isinauli rin ni dating Bulacan district engineer Henry Alcantara ang P110 million at P71 million sa Department of Justice, bilang parte ng kaniyang pangako na pagbabalik ng perang kaniyang natanggap bilang kickback sa kaniyang aplikasyon para maging state witness.
Samantala, ngayong Disyembre naman, isinauli ni dating DPWH-NCR regional director Gerald Opulencia ang mahigit P40 million sa DOJ, bilang parte rin ng kaniyang commitment na ibalik ang kabuuang P150 million na inamin niyang nakuha mula sa pondo para sa mga proyekto sa Metro Manila nang siya ay nanungkulan bilang director.















