Pinangalanan ng International Criminal Court (ICC) sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go bilang mga co-perpetrators sa kasong may kinalaman sa kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa inilabas na Document Containing the Charges (DCC) ngayong Pebrero 13, 2026, tinukoy si Duterte bilang indirect co-perpetrator sa ilalim ng Article 25 (3)(a) ng Rome Statute para sa mga krimen laban sa sangkatauhan, partikular na murder at attempted murder.
Nakasaad sa dokumento na ang mga pagpatay ay naganap mula 2011 hanggang 2019, kabilang ang mga insidente sa Davao City na iniuugnay sa Davao Death Squad, at mga operasyon sa ilalim ng “war on drugs” sa panahon ng kaniyang administrasyon.
Ayon sa ICC, ang pagkakasama nina dela Rosa at Go sa listahan ay dahil sa kanilang papel sa pagpapatupad at pagsuporta sa mga polisiya ng drug war.
Kasama rin sa mga tinukoy na opisyal ang ilang dating miyembro ng gabinete at law enforcement agencies na may direktang kinalaman sa operasyon.
Narito ang mga tinukoy na pangalan ng ICC:
Ronald “Bato” Dela Rosa
Vicente Danao
Camilo Cascolan
Oscar Albayalde
Christopher Lawrence “Bong” Go
Dante Gierran
Isidto Lapeña
Vitaliano Aguirre II
Iba pang opisyal ng Philippine National Police at high-ranking government officials
Sa kasalukuyan, nakatakdang pag-aralan ng Pre-Trial Chamber ang mga ebidensiya upang matukoy kung uusad ang paglilitis. Binibigyang-diin ng ICC na ang paglalabas ng dokumento ay bahagi ng transparency at para ipakita ang saklaw ng pananagutan sa tinaguriang “war on drugs” ng Pilipinas.
Patuloy pang hinihintay ng Bombo Radyo ang magiging tugon dito ng mga pinangalanang indibidwal ukol sa naturang usapin.
















