-- Advertisements --

Ipagpapatuloy ng pamahalaan ang kanilang operasyong militar laban sa mga rebeldeng grupo, partikular na ang CPP-NPA, ngayong panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

Ayon sa DND, hindi totoo at propaganda lamang ang idineklarang unilateral ceasefire ng rebeldeng grupong CPP-NPA.

Batay sa pahayag na inilabas ni Defense Spokesperson, Assistant Secretary Arsenio Andolong, sinabi nito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay patuloy na sumusuporta sa tungkulin ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong bansa, lalo na ngayong holiday season.

Mahalagang alalahanin na maka-ilang beses na ring hindi pinansin ng pamahalaan ang mga deklarasyon ng tigil-putukan mula sa mga rebeldeng grupo.

Sa kasalukuyang sitwasyon, ayon sa impormasyon mula sa DND, wala nang natitira pang aktibong Guerilla Front ang Communist Terrorist Group (CTG) dahil sa walang tigil na opensibang militar na isinasagawa ng pamahalaan.