-- Advertisements --

Umaasa si Senate Committee on Finance chairman Senador Sherwin Gatchalian na dadalo si Senador Ronald “Bato” dela Rosa bukas, December 13, sa pagbubukas ng bicameral conference committee meeting para sa 2026 national budget.

Kabilang si Dela Rosa sa mga tumatayong vice chairman ng Committee on Finance kaya naman otomatiko siyang bahagi ng conferees sa bicameral meeting.

Sa kanya nakatoka ang pagdepensa sa panukalang budget ng Department of National Defense at iba pang ahensya, pero hindi siya sumipot sa plenary deliberations ng Senado ukol dito kaya si Gatchalian ang humalili sa kanya.

Sa panayam, sinabi ni Gatchalian na tradisyon na ang vice chairman ng Finance Committee ay otomatiko nang bahagi ng bicam conferees dahil aniya mas kabisado o gamay nila ang pondo ng ahensya.

Dahil aniya hindi naman nagbitiw si Senador Bato bilang miyembro ng bicam, inaasahan ni Gatchalian na dadalo ang senador bukas.

Samantala, sa tanong naman kung tatanggalin si Senador Bato, wala pa raw ito sa plano at umaasa lamang si Gatchalian na gagawin ng senador ang kanyang tungkulin bukas bilang bahagi ng Senate contingent.

Sakali namang humirit ng online si Dela Rosa ay hindi siya pagbibigyan dahil wala ito sa rules ng bicam.

Hindi rin sigurado kung iko-considera ang kanyang mga amyenda sa bicam kung idadaan lang ito sa sulat.

Sa ngayon ay wala pang kumpirmasyon si Senador Dela Rosa kung makadadalo ito sa bicam meeting na magsisimula bukas.

Ang bicam ay idaraos sa Philippine International Convention Center (PICC) at muling tiniyak nina Senate President Vicente Sotto III at Gatchalian na naka-livestream ang buong proseso ng bicam sa 2026 budget.