Aabot sa 341 distressed at stranded overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng tumitinding tensyon sa Middle East ang nakatakdang maiuwi sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang chartered flight, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ang mga OFW ay nagmula sa Saudi Arabia, Kuwait, at Bahrain. Umalis ang chartered flight mula Riyadh patungong Manila noong Marso 14, 2026.
Tinutulungan naman ng mga team mula sa OWWA, DMW, at mga Philippine Embassy sa Riyadh at Manama ang mga OFW mula Bahrain upang makatawid sa land borders at makarating sa Riyadh kung saan sila sasakay ng chartered flight pauwi ng Pilipinas.
Samantala, inaasikaso rin ng mga government team ang travel clearances at land border crossing ng ilang OFW mula Kuwait upang makapunta sa staging area sa Riyadh para sa repatriation flight.
Ayon sa OWWA, binigyan din ang mga OFW ng iba’t ibang uri ng tulong habang inaayos ang kanilang pag-uwi, kabilang ang assistance sa travel documents, pansamantalang tirahan, transportasyon, at iba pang agarang pangangailangan.
Ang operasyon ay popondohan mula sa Emergency Repatriation Fund na pinangangasiwaan ng OWWA upang matiyak ang maayos at ligtas na pagbabalik ng mga Pilipino na naapektuhan ng kasalukuyang sitwasyon sa Middle East.
















