-- Advertisements --

Nagpahayag din ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga pahayag ng Department of National Defense (DND) hinggil sa 4-day ceasefire declaration ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA).

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nakapokus ang buong hanay ng militar sa pagtupad ng kanilang mandato na protektahan ang mga komunidad at mamamayan sa buong bansa.

Aniya, gaya ng itinuro ng DND ay magpapatuloy ang mga operasyon ng militar, kung saan binigyang-diin ni Padilla ang mahigpit na koordinasyon nila sa Philippine National Police (PNP).

Samantala, tiniyak ni Padilla na ang buong hanay ng kasundaluhan ay mananatiling mapagmatyag at magbabantay sa seguridad ng publiko upang maisulong ang mapayapa at ligtas na kapaskuhan para sa lahat ng Pilipino.