Kumpyansa ang Department of Agriculture (DA) na bababa pa ang dami ng bigas na inaangkat ng Pilipinas sa taong 2026, na hindi na lalampas sa apat na milyong metriko tonelada.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang tinatayang dami ng bigas na aangkatin sa 2026 ay nasa pagitan ng 3.6 milyon hanggang 3.8 milyong metriko tonelada.
Naniniwala ang kalihim na ang nasabing volume ng imported rice ay sapat upang matugunan ang pangangailangan ng buong bansa para sa bigas, nang hindi negatibong naaapektuhan ang presyo ng palay na binibili sa mga magsasaka sa farmgate.
Dagdag pa rito, posible rin umanong umabot sa isang record-high ang kabuuang produksyon ng palay sa Pilipinas sa susunod na taon.
Ibinahagi rin ng kalihim na nakipagpulong na siya sa iba’t ibang rice importers sa bansa.
Sa nasabing pagpupulong, inilahad ng DA ang kanilang plano upang mas maayos na i-calibrate o isaayos ang volume ng bigas na inaangkat.
Kaugnay nito, may plano rin ang DA na itaas ang taripa sa imported rice sa 20%, mula sa kasalukuyang 15% alinsunod sa napagkasunduan ng mga economic managers ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang bagong taripa ay inaasahang magiging epektibo sa Enero 1.
















