-- Advertisements --

Sinuportahan din ng Department of Agriculture (DA) ang mga naunang pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na kasya ang halaga ng P500 para makabili ng mga panghanda para sa Noche Buena.

Ayon kay DA Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra, posible ito kahit sa isang pamilya na binubuo ng limang miyembro ngunit nakadepende pa rin sa kung ano man ang kanilang gustong ihanda.

Ito ay bunsod ng mga kasalukuyang presyo ng mga bilihin sa merkado gaya ng karne ng baboy na naglalaro sa P330/kilo at presyo ng manok na nasa pagitan naman ng P180-P200/kilo ang presyo.

Kasunod nito ay hinikayat naman ni Guevarra ang publiko na piliin na lamang na mamili sa mga Kadiwa Stores kung saan mas mababa umano ng halos 20%-30% ang mga presyo ng mga bilihin at siyang direktang nabibili ng kanilang ahensya sa mga lokal na magsasaka.

Samantala, binigyang diin naman ni Guevarra na bagamat sa loob ng P500 ay magiging limitado ang mga pagpipilian, aniya ang pagbili ng mga pagkain sa mababang halaga ay makatutulong rin para mas mapalawak at magamit pa sa maraming paraan ang budget ng isang pamilya.