Binigyang-diin ng Department of Agriculture (DA) na bawal pa ring mag-angkat ng bigas, matapos makatanggap ng ulat na may ilang indibidwal na nag-aalok ng umano’y “alokasyon” para sa importasyon.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ito ay isang uri ng scam at mariing pinaalalahanan ang publiko na huwag magpaloko sa mga pekeng permit.
Batay sa Executive Order No. 102 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinalawig ang moratorium sa rice importation hanggang Disyembre 31, 2025.
Layunin ng hakbang na mapatatag ang presyo ng palay at maprotektahan ang kita ng mga lokal na magsasaka.
Naitala ng DA na tumaas ang farm-gate price ng palay sa ilang probinsya mula P8 kada kilo tungo saP14 kada kilo matapos ipatupad ang unang import freeze.
Nagbabala rin ang ahensya na ang sinumang mahuhuling nag-aalok ng pekeng import allocations ay maaaring managot sa batas.
Tiniyak ng DA na patuloy ang pagbabantay sa merkado upang mapanatili ang sapat na suplay ng bigas habang nakadepende ang bansa sa lokal na ani ngayong Kapaskuhan.
















