-- Advertisements --

Mahigpit na binabantayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kasalukuyang sitwasyon at ang anumang tensyon na maaaring umusbong, lalo na ang posibleng tensyon sa pagitan ng China at Japan.

Isinasaalang-alang ng AFP ang implikasyon ng mga pangyayari sa rehiyon sa seguridad ng Pilipinas.

Ayon kay AFP Spokesperson para sa West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, malinaw na may epekto sa Pilipinas ang anumang aksyon o kaganapan na may kaugnayan sa Taiwan at Japan.

Ito ay dahil ang Pilipinas ay bahagi ng tinatawag na ‘First Island Chain’, kaya’t direktang maaapektuhan ang bansa sa anumang pagbabago sa seguridad ng rehiyong ito.

Kaugnay nito, iniulat din ni Rear Admiral Trinidad na mayroon silang namataang Lianoning Carrier Battle Group na naglalayag sa hilagang-silangan ng Pilipinas, partikular na malapit sa Okinawa.

Ang presensya ng grupo ng mga barkong pandigma na ito ay patuloy na sinusubaybayan ng AFP.

Bukod pa rito, mayroon din silang namonitor na Chinese Amphibious Assault Ship Task Group na nasa eastern seaboard ng bansa at patungo sa Australia.

Bagama’t ang grupo ng mga barkong ito ay nasa labas ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, patuloy pa rin itong binabantayan ng AFP upang matiyak ang seguridad ng bansa.