-- Advertisements --

Inaasahang dadayo ang higit dalawang milyong katao mula sa Japan at iba pang bansa sa Sapporo Snow Festival sa Sapporo, Hokkaido, Japan, kung saan itinatampok ang mga estatwa na inukit mula sa niyebe.

Ginaganap sa tatlong lugar sa lungsod ang ika-76 na Sapporo Snow Festival, kabilang ang Odori Site, Susukino Site, at Tsu Dome Site. Nagsimula ito noong Pebrero 4 at magtatapos sa Pebrero 11, gayundin may libre itong admission para sa mga bisita.

Sa mga nakaraang festival, nagsisilbing highlight ng taunang pagdiriwang ang tradisyunal na pakikilahok ng Ground Self-Defense Force’s Northern Army na pagtatayo ng mga dambuhalang estatwa ng niyebe.

Makikitang naka-display sa Odori Site ang mala-higanteng estatwa ng niyebe na may taas na 13 metro, kung saan ginawang inspirasyon ang isang national treasure na tinatawag na “dogu”, na isang sinaunang humanoid na pigurang gawa sa luwad. Mahigit isang daang maliliit na snow statues ang nakadisplay sa naturang venue at nagsasagawa rin sa Odori Site ng mga concert, kung saan ginagamit din ang mga ice sculptures bilang entablado.

Samantala, mayroon ding ice sculptures na makikita sa Susukino Site. Pinapailawan ang mga ito araw-araw hanggang alas-onse ng gabi, at hanggang alasdiyes ng gabi naman sa huling araw ng festival.

Sa Tsu Dome Site naman ay tampok ang snow slides, snow rafting, at iba’t-ibang snow sculptures. Mayroon ding playground para sa mga bata at food stands. Bukas ito araw-araw simula alas-10:00 ng umaga.

Nakikilahok ang mga mamamayan sa paggawa ng iba’t-ibang klase ng ice sculptures na nagsisilbing dekorasyon sa mga venue, kung saan may isinasagawa na popularity poll sa pamamagitan ng isang smartphone app. Mayroon ding espesyal na collaborative event sa Daiwa House Premist Dome o Sapporo Dome.