-- Advertisements --

Kinansela ang tanyag na Japanese cherry blossom festival na ginaganap taon-taon malapit sa Mount Fuji dahil umano sa mga lumalalang reklamo hinggil sa “disruptive tourist behaviour” o kawalan ng disiplina ng mga dayuhan at lokal na bisita na labis nang nakakaapekto sa komunidad.

Ayon sa mga opisyal sa lungsod ng Fujiyoshida sa Japan, hindi na nila itutuloy ang paghost sa Arakurayama Sengen Park cherry blossom festival ngayong taon dahil naging talamak ang mga insidente ng panggugulo sa lungsod. Kabilang sa mga napaulat ang tahasang pagpasok sa mga pribadong tahanan nang walang pahintulot para lamang gumamit ng palikuran o trespassing, pagkakalat ng mga basura, at ang nakakabahala na pagdumi ng ilang turista sa mga pribadong bakuran. Bukod dito, marami ring turista ang napaulat na nakikipagtalo at nakikipag-away pa sa mga residente kapag sinisita sa kanilang maling gawain.

Ang taunang festival ay dinarayo ng hanggang 200,000 bisita kada taon dahil sa magagandang tanawin ng bulaklak ng Sakura, stage events, at food stalls na nagtatampok ng lokal na lutong Hapon.

Ngunit nito lamang Pebrero 3, inanunsyo ang pagkansela ng naturang festival upang mapangalagaan ang katahimikan at kaayusan ng kanilang mga residente.

Sa kabila ng pagkansela ng festival, inaasahan pa rin ng lungsod ang pagdagsa ng mga bisita sa panahon ng “blooming season” ng mga cherry blossom. Hihikayatin naman ang mga turista na gumamit ng pampublikong sasakyan, iwasan ang pagkuha ng mga litrato nang walang pahintulot lalo na sa mga pribadong lugar, at igalang ang residential areas sa pamamagitan ng hindi pagpasok sa mga pribadong ari-arian.