-- Advertisements --

Kampante ang pamunuan ng Philippine National Police na hindi na nito kakailanganin na seselyuhan ang mga service firearm ng kanilang mga tauhan ngayon holiday season.

Ayon sa PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, ang buong organisasyon ng Philippine National Police ay mga propesyonal na mga alagad ng batas.

Ani Tuaño, ang nakagawiang paglalagay ng muzzle tape o tape sa dulo ng baril sa service firearms ng mga pulis ay hindi na isinama ni Acting PNP Chief, Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa kanyang inilabas na memorandum para sa kapaskuhan.

Ang desisyong ito ay matapos ang isinagawang Inter-Agency Meeting o pagpupulong sa pagitan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kasama na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) noong nakaraang linggo.

Tinalakay sa pulong na ito ang mga hakbang para masiguro ang seguridad at kaligtasan ng publiko sa panahon ng holiday season.

Magugunitang noong taong 2023 pa huling ipinatupad ang mahigpit na pagseselyo sa mga service firearm ng Pulisya.

Layon ng hakbang na ito na maiwasan ang indiscriminate firing lalo na sa tuwing sasalubong sa Bagong Taon, na kadalasan ay nagdudulot ng panganib at kapahamakan sa mga sibilyan.

Kaugnay naman nito, mahigpit na inatasan ni Nartatez ang lahat ng mga commander sa ground o mga pinuno sa iba’t ibang istasyon at unit ng pulisya na kagyat at agarang resolbahin ang lahat ng mga magiging kaso ng stray bullet o ligaw na bala sa loob lamang ng 24-oras.