Binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad ng pagputok ng bulkang Taal dahil sa pagkakabuo muli ng pressure sa loob ng bulkan.
Ayon kay Phivolcs volcanologist Dr. Paul Alanis, maaaring mangyari ang panibagong pagputok sa mga susunod na araw kung patuloy na tataas ang pressure sa loob nito, dala ng hindi makasingaw na volcanic gas.
Gayunpaman, naniniwala ang opisyal na kung mangyayari man ang pagputok ay posibleng aabot lamang sa buong isla at maaaring hindi na labis na maka-apekto sa mga komunidad sa labas nito.
Natukoy din ng Phivolcs ang pagbaba ng bulto ng asupre na ibinubuga ng bulkan sa mga nakalipas na araw.
Maaari aniyang panaka-naka rin itong maglalabas ng abo, o magkaroon ng mga serye ng mahihinang eruption, habang patuloy ang pagkakabuo ng pressure sa loob.
Sa kabila nito, nilinaw ng eksperto na walang ‘timeline’ kung kailan posibleng puputok ang Taal volcano, kaya’t mainam aniyang iwasan ang pagtungo, paglapit, o pagtagal sa mismong isla.
Kung babalikan, halos tatlong taon na mula noong itinaas ang alerto sa naturang bulkan mula sa dating Alert Level 0 patungong Level 1.