Agad na inatasan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang isang airline company na tiyaking maayos ang kalagayan ng kanilang mga pasahero matapos ang insidente sa Puerto Princesa International Airport.
Sa ulat, napilitang bumalik sa paliparan ang isang eroplanong patungo sanang Maynila matapos makaranas ng aberya sa landing gear nito matapos ang takeoff.
Bilang tugon, ipinag-utos ng CAAP sa airline na mamahagi ng pagkain at asikasuhin ang mga naabalang pasahero habang isinasagawa ang pagkumpuni sa eroplano.
Kasunod nito, tiniyak ng ahensya ang mas mahigpit na pagpapatupad ng safety protocols at mas masusing monitoring sa lahat ng paliparan sa bansa.
Layunin nitong maiwasan ang katulad na technical malfunction na maaaring maglagay sa alanganin sa kaligtasan ng publiko.















