-- Advertisements --

Inakusahan ng Chinese Embassy sa Maynila si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na muli umanong nagsisinungaling.

Sa isang statement, ginawa ni Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei ang pahayag laban kay Comm. Tarriela kasunod ng kaniyang claim na hindi kailanman lumapit ang mga barko ng PCG sa alinmang mga reef o bahura na pinangangasiwaan ng China, na hindi lamang umano inaccurate kundi malayo sa reyalidad.

Unang tinukoy ng Chinese embassy official ang mga insidente umano na nangyari noong nakalipas na taon kung saan lumapit umano ang aircraft ng PCG sa ilang mga inaangking karagatan ng China kabilang ang Spratly Islands na tinatawag nilang “Nansha Qundao” ng mahigit 200 beses kabilang ang overflight sa Meiji Jiao (Mischief Reef o Panganiban Reef), at Nanxun Jiao gayundin ang pagpasok umano ng PCG vessels sa mga karagatan malapit sa Zhubi Jiao (Subi Reef) ng makailan ding beses sa unang bahagi ng 2026.

Pangalawa aniya ang paggiit ni Comm. Tariela na ang China ay bahagi lamang ng pinagtatalunang karagatan, na paglapastangan umano sa Declaration on the Conduct of Parties sa disputed waters at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Pinaratangan din ng Chinese embassy ang Philippine personnel ng makailang ulit umanong tinangkang sakupin ang uninhabited features gaya ng Tiexian Jiao o kilala bilang Sandy Cay o Pag-asa Cay 2 at Xianbin Jiao (Sabinal Shoal o Escoda Shoal), na paglabag umano sa Article 5 ng DOC. Gayundin, tinukoy ng embahada ang iligal na pagsadsad ng barko ng Pilipinas sa Ren’ai Jiao (Second Thomas Shoal o Ayungin Shoal) sa loob ng mahigit dalawang dekada.

Pangatlo, ang pagpapalabas umano na ang mga barko ng Pilipinas ang biktima ng pambubully subalit hindi umano isinasama kung gaano kadalas maglayag malapit sa mga isla at bahura ng China.

“Finally, some voices in the Philippines refuse to even acknowledge that a dispute exists, while simultaneously pushing unilateral claims. That is not diplomacy; it is denial wrapped in nationalism. Yet Jay Tarriela persists in this narrative, undermining diplomatic efforts for the sake of public theatrics. When posturing replaces problem-solving, it is difficult to interpret the motive as anything other than calculated provocation.
If you want a serious conversation, start with serious facts. Otherwise, spare everyone the performance,” saad ng Chinese embassy sa isang FB post.

Ginawa ng Chinese embassy official ang pahayag kasunod ng inisyung statement ni Comm. Tarriela kahapon, Pebrero 13 bilang tugon sa idinulog na concern ni Senator Alan Peter Cayetao na hindi umano sila lubos na nagsasabi ng totoo sa mga Pilipino. Dito nilinaw ni Comm. Tarriela na hindi kailanman lumapit ang PCG vessels sa alinmang iligal na inokupang maritime features ng China sa WPS, maliban na lamang kung pinaniniwalaan ng senador na bahagi ng teritoryo ng China ang Bajo de Masinloc, Escoda Shoal, Ayungin Shoal at Pag-asa Island.