Umabot na sa 94,228 katao ang apektado ng patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Batay kasi sa Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) ng DSWD, 5,940 indibidwal ang nasa evacuation centers, habang 10,621 naman ang pansamantalang nakikituloy sa ibang lugar.
Nasira rin nang bahagya ang 5,031 kabahayan dulot ng volcanic activity.
Gayunpaman, namahagi na ang DSWD ng P192.7 million halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya.
Ayon naman sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakapagtala ng 10 volcanic earthquakes sa paligid ng Kanlaon at nagbuga ito ng 1,590 tonelada ng sulfur dioxide noong Sabado, Hulyo 5 kung saan umabot hanggang 650 meter ang taas ng ibinugang asupre.
Nanatili naman sa Alert Level 3 ang bulkan, na nangangahulugang may magmatic unrest at posibilidad ng pagsabog.
Inirerekomenda ng Phivolcs ang agarang paglikas sa loob ng anim na kilometrong danger zone at pagbabawal sa paglipad ng anumang aircraft malapit sa bulkan.
Ibinabala rin ng ahensya sa publiko ang mga panganib gaya ng biglaang pagsabog, pagdaloy ng lava, pag-ulan ng abo, pagbagsak ng bato, sa panahon ng malalakas na ulan, at pyroclastic flow.