Ipinatupad na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Blue Alert status sa buong bansa kasunod ng pagpasok ng kauna-unahang bagyo ngayong taon na si Ada.
Ang hakbang na ito ng ahensya ay alinsunod sa direktiba na ipinalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Layon nito na masiguro ang mabilis at agarang pagtugon sa anumang posibleng epekto na maaaring idulot ng bagyo sa iba’t ibang komunidad sa bansa.
Sa kasalukuyan, aktibong nagpapatuloy ang masusing monitoring at koordinasyon ng DSWD sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang na ang mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyo.
Ang koordinasyon na ito ay naglalayong pag-ibayuhin ang paghahanda at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.
Bukod pa rito, nakahanda na rin ang lahat ng DSWD Field Offices sa iba’t ibang rehiyon ng bansa para sa agarang pagpapakilos ng kanilang Quick Response Teams (QRTs).
Kasama rin sa kanilang paghahanda ang Camp Coordination and Camp Management (CCCM) upang masiguro ang maayos na pamamahala ng mga evacuation center.
Hindi rin nakakaligtaan ang paghahanda ng sapat na dami ng mga food at non-food items na kinakailangan para sa mga pamilyang posibleng lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa banta ng bagyo.
















