-- Advertisements --

Tiniyak ng kataastaasang hukuman na kanilang aaksyunan ang natanggap na impormasyon mula sa Department of Justice ukol sa isang indibidwal hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Makaseseguro raw ang publiko na kanila itong seseryosohin at iimbestigahan kasunod ng pagkakadawit ng indibidwal at alegasyon na mayroon itong impluwensya umano sa mga ‘judges’ at ‘justices’.

Ayon sa ibinahaging mensahe ni Atty. Camille Sue Mae Ting, tagapagsalita ng Korte Suprema, magsasagawa ang hukom ng sarili at malalimang imbestigasyon.

Maalala na nitong nakaraan lamang ay isa sa mga ibinunyag ni alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan ang rebelasyong kayang panghimasukan umano ng ‘mastermind’ maging ang hudikatura.

Kaya’t ang Department of Justice sa pangunguna ni Secretary Jesus Crispin Remulla ay kanyang inihayag ang pakikipag-ugnayan sa Korte Suprema.

Buhat nito’y hinikayat ni Supreme Court Spokesperson Camille Sue Mae Ting ang publiko na isumbong sa kanilang tanggapan ang anumang uri ng kurapsyon sa loob ng hudikatura kung mayroon man.