-- Advertisements --

Nag-iwan na ng mahigit 140 kataong nasawi ang malawak na pinsala ng bagyong Tino partikular na sa Visayas at Mindanao habang 127 iba pa ang napaulat na nawawala.

Nauna ng kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) base sa datos kaninang umaga ngayong araw ng Huwebes, Nobiyembre 6, pumalo na sa 114 katao ang napaulat na nasawi dahil sa bagyo subalit hindi pa naibilang dito ang karagdagang 28 naitala sa Cebu na pinakamatinding sinalantang probinsiya. Sa datos ng ahensiya, kabuuang 71 na ang naitalang nasawi sa Cebu.

Ang Cebu kung saan ikalawang nag-landfall ang bagyong Tino ay dumanas ng hindi inaasahang matinding ragasa ng tubig-baha sa mga bayan at siyudad kung saan may mga tinangay na mga sasakyan at nalubog sa abot bubong na baha ang maraming kabahayan.

Ang iba pang lugar na nakapagtala ng casualty ay sa Negros Occidental, Negros Oriental, Agusan del Sur, Southern Leyte, Antique, Bohol, Capiz, Iloilo at Leyte.

Kabilang din sa bilang ng mga nasawi ang anim na crew members ng military helicopter na bumagsak habang nasa relief mission sa mga sinalanta ng bagyo.