-- Advertisements --

Sasailalim sa operasyon ang Hollywood actor na si Channing Tatum dahil sa isang “separated shoulder,” ilang buwan lamang matapos siyang magtamo ng injury sa kanyang binti.

Sa isang Instagram post, ibinahagi ng 45-anyos na aktor ang isang black-and-white na larawan habang siya ay nasa hospital bed, ilang sandali bago isagawa ang operasyon.

“Just another day. Another challenge. This one is gonna be hard. But whatever. Let’s get it in,” caption ni Tatum sa kanyang post.

Nagbahagi rin ang aktor ng sunod-sunod na X-ray images sa kanyang Instagram Stories. Makikita sa unang larawan ang nasugatang shoulder na may caption na “Separated shoulder,” habang sa sumunod na imahe ay ipinakita ang naayos na balikat na may nakakabit na metal screw.

Pabirong hirit pa si Tatum nang isulat niya ang, “Screwed shoulder. Yay.”

Hindi naman diretsahang ibinahagi ng aktor kung paano at kailan eksaktong nangyari ang insidente. Gayunman, ayon sa ulat, nangyari umano ang injury matapos siyang madulas habang nag-ski sa Utah, ilang sandali matapos dumalo sa 2026 Sundance Film Festival para sa premiere ng pelikula niyang “Josephine,” na nagwagi ng top jury award.

Ang shoulder injury ni Tatum ay kasunod lamang ng nauna niyang pinsala sa binti habang kinukunan ang pelikulang “Avengers: Doomsday,” kung saan muli niyang ginagampanan ang karakter na Gambit. Noong panahong iyon, ibinahagi rin ng aktor na kinailangan niyang sumailalim sa intensive physical therapy.

Sa kabila ng sunod-sunod na injury, patuloy pa ring laman ng balita si Tatum, lalo na matapos siyang makunan ng litrato na nakikipaghalikan sa kanyang girlfriend na si Inka Williams.

Lumutang ang nasabing relasyon ilang buwan matapos ang hiwalayan nila ng kanyang dating fiancée na si Zoë Kravitz noong October 2024, matapos ang tatlong taong pagsasama.

Matatandaang noong 2018, tuluyan ding naghiwalay sina Tatum at ang dati niyang asawa na si Jenna Dewan, na siyang ina ng kanyang 12-anyos na anak na si Everly.