Umangat muli si EJ Obiena sa pagbubukas ng kanyang 2026 season matapos masungkit ang gold medal sa pole vault sa 2026 Asian Indoor Athletics Championships noong Sabado sa Tianjin, China.
Nakamit ng two-time Olympian ang top podium spot matapos malinis ang 5.70 meters sa unang attempt.
Tinangkang tapatan ni China’s Li Chenyang ang nasabing height ngunit nabigo sa tatlong attempts, dahilan upang makakuha ng silver medal matapos lampasan ang 5.60m.
Nakumpleto naman ni Chen Yang, isa ring Chinese vaulter, ang podium sa bronze matapos ma-clear ang 5.40m.
Bagama’t hawak ni Obiena ang Asian record na 5.93m, sinubukan pa rin niyang lampasan ang 5.80m, ngunit nabigo sa lahat ng tatlong attempts.
Dalawang linggo bago ang Asian Indoor meet, nagpakitang-gilas din si Obiena matapos dominahin ang International Springer-Meeting sa Germany, patunay ng kanyang strong form sa indoor season.
Susunod na sasalihan ng Filipino pole vault ace ang INIT Indoor Meeting Karlsruhe sa Germany bilang bahagi ng kanyang sunod-sunod na international competitions ngayong taon.














