Inihayag ng Department of Justice na mananatiling pribado at hindi isasapubliko ang ‘status’ sa aplikasyon maging ‘state witness’ ng lumutang na testigong si alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Polo Martinez, tagapagsalita ng kagawaran, tumanggi muna siyang magbahagi ng kumpirmasyon kung mayroon man ganitong aplikasyon si Patidongan.
Aniya’y ‘confidential’ ang patungkol rito sapagkat giit niya’y hindi maaring ibahagi ang kung ano man na ang ‘status’ sa evaluation ng prosekusyon sa mga testimonya, affidavit at pahayag na ibinahagi sa tanggapan ukol sa missing sabungeros case.
Dagdag pa niya’y ang pagtanggi na kumpirmahin kung may isinumiteng aplikasyon si Patidongan para maging ‘state witness’ ay upang mapangalagaan ang integridad sa isinasawang ‘evaluation’ ng mga taga-usig.
“Hindi pa po namin pepwedeng sabihin kung ano ang nagiging evaluation ng mga taga-usig din noh. Regarding their affidavits, the contents of their testimony if they will fit the criteria for state witness. So that still left to the discretion in the judgement of the panel of prosecutors,” ani Spokesman Atty. Polo Martinez.
“As to your question Grant kung nag-file po sila, again I also cannot give a confirmation because again all these matters are kept confidential for the purpose of ensuring the integrity of the proceedings of the evaluation of the contents of the testimony,” dagdag pa ni Justice Spokesperson Martinez.
Kaugnay pa rito, kanyang ibinahagi na nasa prosekusyon ang determinasyon kung kinakailangan pang kumuha ng ‘state witness’ para sa missing sabungeros case.
Aniya’y may mga kondisyon na sinusunod hinggil rito na mahigpit ipinatutupad para sa pagkakaroon at pagkuha man ng state witness sa kaso.
Maaalalang natapos na ng panel of prosecutors ang preliminary investigation sa inihaing mga reklamo sa tanggapan laban kina Charlie Atong Ang, Gretchen Barretto at iba pa.
‘Submitted for resolution’ na ang mga ito partikular sa kidnapping with serious illegal detention at multiple murder complaints kontra mga respondents sa pagkawala ng mga sabungero.
Ngunit nilinaw ng kagawaran na hindi ito nangangahulugang awtomatikong kinukunsidera bilang may sala ang mga nabanggit na indibidwal hinggil sa kaso.
















