-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Tourism (DOT) ang mga hotel, restaurant at iba pang establishimento na huwag manamantala sa gitna ng mga kalamidad sa bansa.

Ito ay matapos makatanggap ang ahensiya ng mga reklamo hinggil sa umano’y overpricing at hindi makatarungang practices na nakakaapekto sa mga manlalakbay at manggagawa sa turismo.

Sa inilabas na abiso ng ahensiya ngayong Sabado, Nobiyembre 8, mariing pinapayuhan ng kagawaran ang accredited establishments na huwag magpatupad ng hindi resonableng pagtaas sa presyo para sa accommodation, restaurant services o iba pang mga alok may kinalaman sa turismo.

Hinihikayat din ng ahensiya ang lahat ng tourism enterprises na i-adopt ang patas at flexible policies para sa kanselasyon ng bookings at rebookings lalo na sa guests na naapektuhan ng nakanselang mga biyahe dahil sa kalamidad.

Binigyang diin pa ng ahensiya na ang overpricing o pagtanggi sa serbisyo sa ganitong mga pagkakataon ay taliwas sa diwa ng hospitality ng mga Pilipino o magiliw na pagtanggap sa mga bisita.

Kaugnay nito, hinihimok ang mga establishimento na proaktibong ipaalam sa mga parating na guests o bisita ang kasalukuyang estado ng kanilang mga pasilidad at operasyon kabilang ang anumang mga pinsala o limitasyong makakaapekto sa kanilang pananatili o planong mga aktibidad.

Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa mga lokal na pamahalaan at iba pang concerned agencies para bantayan ang pagtalima ng mga establishimento sa kanilang nasasakupan at tiyaking susunod ang accommodation facilities sa patas na presyo at ethical business standards.

Gayundin ang pag-asiste sa mga apektadong manggagawa sa turismo para matiyak na kasama sila sa relief at livelihood support programs.