-- Advertisements --

Kasabay ng pananalasa ng Bagyong Uwan, nanawagan ang ilang animal welfare groups na huwag kalimutan ang kaligtasan ng mga alagang hayop.

Sa ilalim ng kampanyang “No Pets Left Behind”, pinaalalahanan ng mga organisasyon gaya ng PETA Asia ang publiko na isama ang mga alaga sa kanilang evacuation plans.

Ayon sa kanila, mahalagang ihanda ang pet emergency kit na naglalaman ng pagkain, tubig, gamot, leash, at carrier upang matiyak ang kaligtasan ng mga hayop.

Binigyang-diin din ng grupo na hindi dapat iwanang nakatali o nakakulong ang mga alaga sa bahay, bakuran, o bubong dahil sa panganib ng pagbaha at malakas na hangin.

Dagdag pa ng mga animal welfare advocates, ang mga evacuation center ay dapat maging bukas at handang tumanggap ng mga alagang hayop upang maiwasan ang pagkakahiwalay ng mga ito sa kanilang mga pamilya.

Nanawagan ang mga grupo sa pamahalaan at lokal na otoridad na isama sa rescue at disaster response ang mga hayop, dahil bahagi sila ng bawat komunidad.