-- Advertisements --

Inaaral na ng International Criminal Court (ICC) Pre-trial chamber ang aplikasyon ng karagdagang 500 indibidwal para kilalanin bilang biktima sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Base sa apat na pahinang dokumento na may petsang Pebrero 9, isinumite ng ICC Registry sa Pre-Trial Chamber I ang dagdag na 227 aplikasyon na binubuo ng 500 indibidwal na humihiling na kilalanin sa kaso bilang mga biktima na dumanas ng permanenteng pinsala mula sa umano’y krimen na nagawa.

Saklaw dito ang mga hindi direktang naapektuhan ng war on drugs ng dating Pangulo.

Ang panibagong pagsusuri sa aplikasyon ng mga biktima sa kaso ay kasunod ng pag-otorisa ng Pre-Trial Chamber I noong nakaraang buwan sa partisipasyon ng naunang batch na binubuo ng 39 na biktima.

Kakatawanin ang mga biktima ng bagong talagang Filipino legal representatives na sina Atty. Joel Butuyan at Atty. Gilbert Andres sa apat na araw na confirmation of charges hearing na nakatakdang simulant sa Pebrero 23 kung saan inaasahang haharap ang dating Pangulo.