Inihayag ng Department of Justice na posibleng itago muna ng pamahalaan ang ‘arrest warrant’ laban sa mga co-perpetrators ni former President Rodrigo Duterte sakali man mag-isyu na ang International Criminal Court.
Ito mismo ang ibinahagi ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez patungkol sa usapin nang isagawa ang pulong balitaan ng kagawaran ngayon araw.
Sa pagtatanong kasi ng Bombo Radyo sa naturang tagapagsalita kung posible bang itago pansamantala ng ehekutibo ang kopya ng warrant, ayon sa opisyal, maari naman itong mangyari.
Sa kasalukuyan, ang pagtitiyak pa lamang ng Department of Justice ay kanilang hihintayin kung ano ang magiging resolusyon ng Korte Suprema kaugay sa isyu.
Kung maaalala, naghain ng ‘petition for certiorari and prohibition’ ang kampo ng mga Duterte upang kwestyunin ang legalidad nang ito’y dalhin tungo International Criminal Court o The Hague, Netherlands.
Ito’y ‘pending’ pa rin sa Kataas-taasang Hukuman subalit ayon kay Justice Spokesperson Martinez, ang desisyon ng korte ang siyang kanilang pagbabasehan sa gagawing aksyon.
Gayunpaman, paglilinaw nito na hindi trabaho ng Department of Justice na ipatupad ang implementasyon ng ‘arrest warrant’ kundi nasa mga awtoridad.
Dagdag pa niya’y may dalawang opsyon sa kung papapaano ang magiging proseso, batay sa batas, maaring sa pamamagitan ng ‘extradition’ o ‘pag-surrender’ sa mga inisyuhan ng warrant.
Binigyang diin naman ni Justice Spokesperson Martinez na wala pa rin silang natatanggap na kopya ng naturang ‘warrant’ pati miski kung may naipadala na ba ang International Tribunal.
Sa dokumentong inilabas ng International Criminal Court, pinangalanan nito ang mga co-perpetrators ni former President Duterte sa implementasyon ng War on Drugs.
Kabilang rito sina Sen. Bong Go, Sen. Bato Dela Rosa, former Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at iba pa.
















