Nagbigay-pugay si dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez kay dating limang-beses na Speaker Jose De Venecia na tinawag niyang tagapagbuklod, consensus-builder, bisyonaryo, at “global Filipino.”
Sa necrological service na pinangunahan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sinabi ni Romualdez na si De Venecia ay naging mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Kamara at nagtaguyod ng pamumunong inklusibo at nakabatay sa pambansang pagkakaisa.
Bilang pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats, binigyang-diin ni Romualdez na si De Venecia, isa sa mga nagtatag ng partido, ay hindi nagtayo ng kilusan para sa kapangyarihan kundi para sa layunin at reporma.
Aniya, sa loob ng limang termino ni De Venecia bilang Speaker, naging tunay na plataporma ang Kamara para marinig ang boses ng bawat distrito.
Itinatag din nito ang “Rainbow Coalition,” na nagbigay-diin sa pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba ng partido, rehiyon, at paniniwala.
Tinukoy rin ni Romualdez ang papel ni De Venecia sa pagsusulong ng interfaith dialogue at pakikipag-ugnayan sa pandaigdigang komunidad, kabilang ang mga inisyatiba sa United Nations para sa kapayapaan at pagkakaunawaan ng iba’t ibang pananampalataya.
Bilang pangunahing may-akda ng House Resolution No. 247, sinabi ni Romualdez na pormal na kinilala ng Kamara ang natatanging ambag ni De Venecia sa pagpapatibay ng mga institusyon at pagsusulong ng reporma sa bansa.
Nagpaabot din siya ng pakikiramay kay Pangasinan 4th District Rep. Gina de Venecia, Christopher “Toff” de Venecia, at sa buong pamilya.
“Si Speaker Joe ay nagtayo ng mga tulay, nagbuklod ng magkakaiba, at nag-iwan ng pamana na magtatagal lampas sa kanyang panahon,” pagtatapos ni Romualdez.
















