-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Kiko Pangilinan ang National Food Authority (NFA) at local government units (LGUs) na bilhin agad ang palay at iba pang ani direkta mula sa mga magsasaka sa makatarungang presyo sa merkado.

Ang apela ni Pangilinan ay kasunod ng ulat na ang palay ay binibili na lamang sa halagang ₱13 kada kilo sa ilang lugar.

Ayon sa senador, dapat malakihan at direktang bumili ang NFA mula sa mga magsasaka ng palay upang maiwasan ang lalo pang pagkalugi ng mga ito.

Samantala, hinikayat din niya ang mga LGU na pairalin ang RA 11321 o ang Sagip Saka Law, na nagbibigay daan sa kanila na direktang bumili mula sa mga magsasaka at mangingisda kahit walang public bidding.

Punto ng mambabatas,  kung hindi pa handa ang NFA, dapat nang kumilos ang mga lokal na pamahalaan. 

Maaari naman aniyang gamitin ang Sagip Saka para makabili ng bigas, palay, gulay at iba pang ani na presyong makatarungan. 

Ipinaliwanag pa ni Pangilinan na maaaring gamitin ang Sagip Saka Law upang bumili ng pagkain para sa mga feeding program sa paaralan, food packs, relief goods, at iba pang pangangailangan ng pamahalaan—habang tinitiyak na kumikita nang maayos ang mga magsasaka.

Nagbaba naman ang senador na kung hindi kikilos ang gobyerno, maaaring tuluyang tumigil sa pagtatanim ang mas maraming magsasaka—na maaaring magdulot ng panganib sa suplay ng pagkain ng bansa.