-- Advertisements --

Inaasahan ni Camarines Sur 3rd District Rep. Nelson Legacion na masisimulan na sa buwan ng Mayo ang massive rehabilitation sa mga sirang bahagi ng Andaya at Maharlika Highway.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ng mambabatas na tuloy-tuloy na ang pag-usad ng proyekto. Ito ay matapos siyang makatanggap ng confirmation mismo mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naging pagbisita nito sa lalawigan kamakailan.

Ayon kay Legacion, nakipagpulong na rin si Secretary Vince Dizon sa malalaking contractors upang plantsahin ang naturang proyekto. Sinabi ng kongresista na agad aarangkada ang pag-aayos kapag natapos na ang procurement process at iba pang preparations.

“‘Hopefully, hopefully, in the month of May, sana wag na pong mas lalo pang tumagal beyond that. At inaasahan po natin na sa natitirang panahon ni Presidente Bongbong Marcos ay matapos po yung tinatawag na gagawing massive rehabilitation. Very optimistic po tayo at patuloy nating babantayan ito,” pahayag ng mambabatas.

Matatandaan na lalong umigting ang panawagan para sa pagsasaayos ng naturang mga kalsada matapos maghain ng privilege speech sa Kongreso si Legacion noong Nobyembre 25, 2025. Bago pa man ito, marami na ring mga netizens at vloggers ang nagbahagi ng kanilang personal experience hinggil sa kalunos-lunos na estado ng highway.

Paliwanag ni Legacion, hindi lamang inconvenience sa mga biyahero ang idinudulot ng sirang kalsada, kundi may matindi itong negatibong epekto sa ekonomiya, turismo, at negosyo ng buong Bicol Region gayundin sa mga bumibiyahe patungong Visayas at Mindanao.

Mula nang i-anunsyo ng pamahalaan noong Enero 12 ang gagawing rehabilitasyon, tiniyak ni Legacion na patuloy nilang babantayan ang mabilis na implementasyon nito.