Apat ang kumpirmadong nasawi habang 23 ang sugatan matapos mahulog ang isang pampasaherong bus sa bangin sa Andaya Highway, Barangay Magais 1, Del Gallego, Camarines Sur nitong Disyembre 26, alas-2 ng madaling araw.
Patungong Gubat, Sorsogon ang bus mula Cubao, Quezon City nang biglang gumewang ang takbo nito at tuluyang bumagsak sa bangin.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi habang dinala naman sa ospital ang mga sugatan.
Kilala ang Andaya Highway sa matatarik na kurba at bangin, kaya’t madalas na binabalaan ang mga motorista na mag-ingat sa pagdaan dito.
Sa mga nakaraang taon, ilang insidente ng pagkahulog ng bus at truck ang naitala sa parehong kalsada, kadalasan dahil sa overspeeding o mechanical failure.
Dahil dito, nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang PNP at LTFRB upang matiyak ang pananagutan ng operator at maiwasan ang pag-uulit ng ganitong trahedya.















