-- Advertisements --

NAGA CITY – Isang tao ang napaulat na nasawi, isa ang nawawala, habang isa pang mangingisda ang nailigtas matapos lumubog ang kanilang sinasakyang bangka sa karagatan na sakop ng Caramoan, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Jennifer Kristine Galang, Acting Chief of Police ng Caramoan MPS, sinabi nito na ang naturang mga mangingisda ay naglayag mula San Andres, Catanduanes.

Dahil sa malakas na ulan at alon, tumaob ang bangka.

Ang nasawi at ang nakaligtas ay kasalukuyang nasa Barangay Gogon, Caramoan, Camarines Sur.

Gayunpaman, nananatiling hamon para sa mga awtoridad ang pagsagip sa survivor at pagkuha sa labi ng biktima dahil sa malakas na alon.

Na-secure na ng mga opisyal ng Gogon ang labi ng nasawi, habang patuloy namang nagsasagawa ng operasyon ang mga awtoridad upang mailigtas ang isa pang nawawala.

Mula pa kahapon hanggang ngayon ay malakas ang pag-ulan at mataas ang lebel ng tubig sa dagat. Nagpalabas na rin ng abiso ang Philippine Coast Guard ng “No Sailing Policy,” ngunit pinaniniwalaang hindi ito nalaman ng mga mangingisda dahil mula pa sila sa Catanduanes.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang pagkalma ng dagat upang maisagawa ang search and rescue operation katuwang ang MDRRMO at LGU ng Caramoan.

Pinayuhan din ni Galang ang mga mangingisda na unahin ang kaligtasan at patuloy na subaybayan ang lagay ng panahon bago maglayag.