Kasabay ng paghahanda para sa posibleng Taal eruption mula sa babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nananawagan ang People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia sa publiko na isama ang mga hayop sa inyong paghahanda sa sakuna.
Anila, sa posibilidad ng biglaang pagputok at pag-ulan ng abo, ang mga hayop ay kabilang sa mga pinaka-nanganganib at hindi dapat iwanan.
Pakiusap ng grupo na tulungan sila sa pag-alerto sa lahat ang mga sumusunod na impormasyon na maaaring makaligtas sa buhay ng mga pusa, aso at iba pang mga alagang hayop na kinakailangan ay isali sa mga preparasyon sa mga sakuna.
Giit ng PETA, huwag itali, ikulong, o iwanan sa anumang uri ng pagkakakulong dahil maaari silang ma-trap at hindi makaligtas.
Kung may ikalawang palapag ang inyong bahay, tiyaking makakapunta dito ang mga hayop sakaling magkaroon ng lahar o pagbaha.
Kung maaari kayong lumikas kasama ang mga alaga, ilagay ang maliliit na hayop sa matibay na kulungan at panatilihing may tali.
Maaaring matakot sila sa malalakas na tunog at hindi pamilyar na paligid, kaya’t posibleng tumakbo sila palayo.
Magdala ng mangkok para sa pagkain at tubig, paboritong laruan o kumot ng inyong alaga, tuwalya, at sapat na pagkain para sa isang linggo.
Dagdag pa nila, dapat magmasid sa paligid para sa ibang hayop na nangangailangan ng tulong, kabilang na ang mga ligaw o iniwang alaga ng kapitbahay.