Naging sulit ang ginawang paghabol ng Alaska Aces matapos na tuluyang talunin ang Phoenix Super LPG 105-97 sa nagpapatuloy na 2020 PBA Philippine Cup.

Umabot pa sa 14 points ang kalamangan ng Phoenix hanggang habulin ito ng Aces sa second half sa larong ginanap sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.

Pinangunahan ni Vic Manuel ang Aces na mayroong 24 points, pitong rebounds at tatlong assist habang mayroong 21 points na inambag si Mike DiGregorio habang 13 points naman kay JVee Casio.

Ipinagmalaki naman ni Aces coach Jeff Cariaso ang ginawang pagsisipag ng kaniyang koponan dahil sa hindi biro ang ginawang paghabol sa Phoenix para maipanalo ang laro.

Dahil sa panalo ay nag-improve sa limang panalo at tatlong talo ang Aces habang ang Fuel Masters ay mayroong apat na panalo at tatlong talo.