-- Advertisements --

Lalo pang lumobo ang bilang ng mga indibidwal na naghain ng reklamo sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban sa mga online lending application.

Ayon kay PAOCC executive director Gilbert Cruz, sa loob lamang ng dalawang linggo ay umabot na sa 13,000 katao ang naghain ng reklamo mula sa dating 150, dalawang linggo ang nakakalipas.

Dahil sa lumulubong bilang ng mga reklamo, tuluyan na ring nagtayo ng one-stop shop ang PAOCC, kasama ang mga kinatawan ng Securities and Exchange Commission (SEC) at Philippine National Police (PNP).

Ang naturang opisina ang tututok o mag-aasikaso sa mga naturang reklamo upang maging mas mabilis ang pagtugon sa mga ito.

Isa sa mga inihalimbawa ni Cruz na pangunahing natanggap na reklamo ay ang mga indibidwal na umutang ngunit hindi kaagad nakapagbayad. Kinalaunan, ang mga ito ay naging biktima ng personal na pag-atake, malisyosong online post, at blackmail mula sa loan apps.

Sa Pilipinas, mayroong hanggang 300 online lending apps, kasama na ang mga naka-rehistro sa SEC.

Nagawa na rin ng PAOCC at iba pang law enforcement agencies na ipasara ang hanggang 50 lending apps, kasunod ng mga serye ng inspeksiyon.

Ayon kay Cruz, mayroon ding mga dayuhan na nasa likod ng mga naturang lending apps at nananakot at nambibiktima ng mga Pilipino.