Tinutunton na ng mga awtoridad ang kinaroroonan ni Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil matapos hindi makita nang isilbi ang warrant of arrest laban sa kaniya.
Kasalukuyang may umiiral na arrest warrant si Capil matapos siyang isyuhan ng Pasig Regional Trial Court Branch 265 noong Nobiyembre 28 para sa pitong bilang ng graft charges dahil sa umano’y negligence matapos payagan sa kaniyang bayan ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na Lucky South 99, na sangkot sa human trafficking at iba pang mga iligal na gawain.
Noong gabi ng Linggo, Nobiyembre 30 nang isilbi ang arrest warrant sa bahay ni Capil ng Philippine National Police kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), subalit nabigo sila nang di makita ang alkalde.
Samantala, sa official online page ng Porac municipal government, sinabi nito na wala pang opisyal na pahayag mula sa alkalde at kasalukuyan pa aniyang bineberipika ni Capil at kaniyang legal team ang warrant, dahil hindi umano naipaalam sa alkalde ang hinggil sa arrest warrant o hindi nakatanggap ng kopiya nito.
Tiniyak naman ng provincial government na isusumite ni Mayor Capil ang kaniyang sarili alinsunod sa hinihingi ng batas basta’t siya’y mabigyan ng due process o tamang proseso.
Nitong Lunes, kinumpirma naman ni PNP Public Information chief Brig Gen. Randulf Tuaño na hindi umalis ng Pilipinas si Capil, base na rin sa record ng immigration.
Nagpaabot na rin aniya si Capil ng surrender feelers sa PNP subalit hindi pa batid sa ngayon kung susuko siya ngayong linggo at kung hindi ay sisimulan na nila ang intensive manhunt sa Porac Mayor.
















