Inamin ng legal counsel ni Cassandra Li Ong na si Atty. Ferdinand Topacio na matagal na silang walang komunikasyon sa kanilang kliyente, na ngayo’y itinuturing nang at large o pugante
Gayunpaman, iginiit ni Atty. Topacio na nananatili ang kanilang lawyer-client engagement.
Aniya, bagama’t wala silang komunikasyon sa kanilang kliyente sa ngayon, tungkulin nilang ipagpatuloy ang pagbibigay ng pinakamahusay na legal na serbisyo sa ilalim ng umiiral na sitwasyon.
Mariin ding sinabi ni Topacio na ginagamit umano ng pamahalaan si Ong upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa iba’t ibang isyung kinahaharap ng bansa, kabilang ang kontrobersyal na flood control anomaly.
Maaalalang, unang nabunyag sa plenary deliberations ng Senado kaugnay ng proposed 2026 budget ng Department of Justice noong nakalipas na linggo na pinalaya na si Ong mula sa detention ng Senado, kung saan ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) huling natunton ang kaniyang lokasyon sa Japan noong unang kwarter ng 2025.
Si Ong ay humaharap sa kasong qualified human trafficking may kaugnayan sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga. Kilala rin siyang umano’y business associate ng sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
















