-- Advertisements --

Pinawi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega ang pangamba ng publiko ukol sa posibilidad ng pagkakagamit sa mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites ng Pilipinas sa mga giyera sa Middle Eastern Region dahil sa pagpasok ng US.

Ayon kay Usec. De Vega, sa naging pag-uusap nina outgoing Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo at US State Secretary Marco Rubio ay hindi napag-usapan ang naturang posibilidad.

Bagaman tinalakay aniya ang commitment ng US at Pilipinas para sa isa’t-isa kasunod ng pagpasok ng US sa Israel-Iran War, hindi natalakay dito ang pagkakagamit sa mga site kung sakaling lumala ang tensyon sa naturang rehiyon.

Posible rin aniyang masyadong malayo ang Pilipinas sa Middle East upang idamay pa ang mga site.

Inihalimbawa ng opisyal ang pambobomba ng Iran sa Qatar kung saan naroon ang airbase ng US dahil ang naturang bansa ay isa sa pinakamalapit na kapitbahay ng Iran.

Maliban dito, iginiit din ni De Vega na may magandang relasyon ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa Middle East.

Samantala, patuloy na umaasa ang DFA na magpapatuloy na ang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Iran, sa tulong ng US at iba pang mga bansa na tumutulong para mapanatili ang kapayapaan sa Middle East.