Napuna ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na ang “youth votes” ang naging “game changer” sa eleksyon ng pagka-senador nitong Mayo 12, 2025.
Matatandaang walang numero sa mga nakaraang surveys ang ilang kandidato, partikular na sina Senator-elect Bam Aquino at Kiko Pangilinan.
Para sa PPCRV, malaking papel ang ginampanan ng kabataan nang bumuhos ang malaking bilang nila sa nagdaang halalan.
Ayon pa sa citizen’s arm, kapuna-puna ang paglahok ng maraming botante ngayon, lalo na sa panig ng mga kabataan.
Sinasabing dati ay mababa ang turn-out kapag midterm lamang ang eleksyon, dahil mas dumarami ang botante kapag ito ay para sa presidential race.
Ayon naman kay Namfrel Secretary General Eric Alvia, bukod sa boto ng Gen Z at millennials, nakatulong din ang epektibong kampanya at suporta mula sa iba’t ibang political groups ng mga nahalal na kandidato.