-- Advertisements --

Binigyang linaw ng Department of Justice na nasa ‘provisional acceptance’ pa lamang ang status ng mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways at mag-asawang Discaya sa kanilang Witness Protection Program. 

Batay sa opisyal na pahayag ng kagawaran na ipinadala ni Justice Assistant Sec. Mico Clavano, nilinaw rito na tanging proteksyon pa lamang ang saklaw sa ganitong uri ng probisyon. 

Ibig sabihin layon sa programa na maseguro ang kaligtasan ng mga tatayong testigo o mga indibidwal na sangkot sa maanomalyang flood control projects. 

Kung kaya’t itinuturing bilang ‘protected witnesses’ ang mga naisama sa naturang ‘Witness Protection Program’. 

Partikular, kabilang na rito ay sina former DPWH Officials Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, Henry Alcantara, Roberto Bernardo, at pati ang mag-asawang Pacifico at Sarah Discaya.

Habang ibinahagi naman ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang pinagkaiba nito sa pagiging state witness. 

Kanyang binigyang diin na ang pagiging isang probisyonal ay hindi nangangahulugang awtomatikong testigo ng testigo. 

Nangangahulugan at layon lamang aniya nito ang hiling maproteksyunan at maseguro ang kaligtasan ng mga testigong sangkot sa kontrobersiya. 

Sa kabuuan, nasa anim (6) katao na ang mga nagpahayag ng kanilang kagustuhan mapasailalim sa Witness Protection Program. 

Bagama’t tila dumarami o nadaragdagan pa kumpara nitong mga nakaraan, hindi naman na ito ikinagulat pa ni Justice Secretary Remulla. 

Natural na lamang raw na dumami ang mga nais mapabilang sa naturang programa dahil sa mga posibleng maitulong nito sa kanilang kaso. 

Malamang aniya’y inudyukan o payo ito ng kanilang mga abogado sapagkat kalakip nito at maituring bilang isang ‘state witness’ ay ang pag-absuelto o pagiging malaya mula sa pananagutan. 

Kung kaya’y ani Justice Secretary Remulla, maingat ang kagawaran sa isinasagawang ebalwasyon para matukoy lamang ang kung sino ang makatutulong sa case-buildup hinggil sa maanomalyang flood control projects. 

Sa kasalukuyan, tanging mga ‘protected witnesses’ pa lamang ang inilalabas ng kagawaran kaugnay sa mga testigo at sangkot sa isyu ng flood control projects. 

Binigyang diin ng kalihim na wala pang itinuturing na ‘state witness’ ang Department of Justice sapagkat dadaan pa ito sa masusing proseso ng ebalwasyon.