Binigyang-diin ni International Criminal Court (ICC)-accredited lawyer Gilbert Andres na hindi dapat nagsisilbing kanlungan ang Senado, ng mga personalidad na wanted dahil sa iba’t ibang international crimes.
Ginawa ng batikang abogado ang pahayag kasunod ng pagkakatukoy kina Sen. Christopher Go at Sen. Ronald Dela Rosa bilang co-perpetrators ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa kaniyang kinakaharap na kasong crimes against humanity sa ICC.
Aniya, kung kinalaunan ay maglalabas ang international tribunal ng warrant of arrest laban sa dalawang senador, maaari silang maprotektahan sa loob ng Senado habang ito ay nasa session.
Bilang paggalang sa institusyon, nararapat lamang aniyang irespeto ito, at ang proteksyong maaari nitong ipagkaloob sa mga miyembro, habang nasa sesyon.
Gayonpaman, maaari pa rin aniyang maaresto ang dalawang nabanggit na senador kapag ang mga ito ay nasa labas na o tuluyan nang lumabas mula sa premises o compound ng mataas na kapulungan.
Ayon kay Andres, maaari pa ring sundin ng pamahalaan ng Pilipinas ang prosesong ginawa laban kay dating Pang. Duterte na pagkatapos siyang maaresto sa bansa ay tuluyan ding isusurender sa ICC, ang korteng naglabas ng warrant laban sa dating pangulo.
Nanindigan din ang abogado na hindi dapat nagkakanlong ang mataas na kapulungan ng kahit sinumang inuusig ng batas, lalo na yaong mayroon nang warrant of arrest dahil sa pagkakasangkot sa international crimes.
Parehong miyembro ng 18th, 19th at 20th Congress sina Sen. Go at Dela Rosa, dalawa sa pinakamalalapit na opisyal kay dating Pang. Duterte.















