-- Advertisements --

Inihayag ni U.S. President Donald Trump noong Biyernes (Sabado sa Pilipinas) ang pansamantalang 10% global import duty para sa 150 araw, bilang kapalit ng mga taripa na ipinawalang-bisa ng U.S. Supreme Court.

Kasabay nito, iniutos niya ang bagong imbestigasyon sa ilalim ng ibang batas upang muling maipatupad ang taripa sa hinaharap.

Ang bagong taripa, na ipatutupad simula Martes, ay inilagay sa ilalim ng Section 122 ng Trade Act of 1974, at bahagyang pumapalit sa dating 10%–50% taripa sa ilalim ng 1977 International Emergency Economic Powers Act (IEEPA) na idineklarang labag sa batas ng korte.

Patuloy naming umiiral ang mga exemption para sa aerospace products, Passenger cars tulad ng ilang light trucks, produkto mula sa Mexico at Canada, Pharmaceuticals, critical minerals, at agricultural products.

Ayon kay Treasury Secretary Scott Bessent, ang bagong 10% taripa at posibleng dagdag na taripa sa ilalim ng Section 301 at Section 232 ay magpapanatili ng halos parehong kita mula sa taripa sa 2026.

Ang Section 122 authority, na hindi pa nagamit dati, ay nagbibigay kapangyarihan kay Trump na magpataw ng hanggang 15% taripa sa loob ng 150 araw sa lahat ng bansa upang tugunan ang tinukoy nitong “large and serious balance-of-payments issues.”

Pagkatapos ng 150 araw, kailangang aprubahan ng Kongreso ang naturang panukala para maipagpatuloy ang taripa.

Kasabay nito, iniutos din ni Trump ang bagong country-specific investigations sa ilalim ng Section 301 ng Trade Act of 1974 upang imbestigahan ang “unreasonable at discriminatory” na gawain ng ibang bansa na nakakaapekto sa U.S. commerce.

Hindi pa itinukoy ang mga target, ngunit ang mga dating probe ay nakatuon sa China at Brazil, at posibleng kabilang ang Vietnam at Canada.

Bagama’t pansamantala lamang ang 10% na pagpataw ng taripa, magbibigay ito ng panahon para matapos ang Section 301 investigations, na maaaring magresulta sa mas mataas na taripa sa hinaharap.

Ayon kay Trump, “Potentially higher. It depends. Whatever we want them to be.”

Tinukoy ng U.S. Supreme Court ruling ang halos $175 billion na kita mula sa taripa noong nakaraang taon, na maaaring kailanganing ibalik—proseso na ayon kay Trump ay maaaring tumagal ng dalawa hanggang limang taon ng legal na paglilitis.

Ayon sa mga eksperto, ang paggamit ng Section 122 at Section 301 ay magbibigay ng mas malinaw na proseso para sa mga negosyo, dahil may kasamang formal na imbestigasyon, research, at public comment requirements, na wala sa IEEPA.

Si dating U.S. Trade Representative Robert Lighthizer naman ay umaasa na babaguhin ng U.S. Congress ang lumang trade laws para mabigyan si Trump ng mas modernong tools sa taripa.