-- Advertisements --

Sinagot ng Malacañang ang paghingi ng paumanhin ni Vice President Sara Duterte sa publiko kaugnay ng umano’y pagtulong niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahalal at sa patuloy na problema ng pagbaha na iniuugnay niya sa korapsyon sa pamahalaan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, marami pang isyu na dapat ipaliwanag at ihingi ng tawad ng Bise Presidente sa taumbayan.

Sinabi ni Castro na dapat umanong unahin ni VP Duterte ang paghingi ng tawad sa mga biktima ng extrajudicial killings at ang naging pahayag nito noon na may kilala siyang assassin at nag-utos umano na ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.

Binanggit din ng Palasyo ang umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon, mga personal na biyahe sa ibang bansa, at paggastos para sa staff at seguridad kaugnay ng mga ito.

Kasama rin sa mga tinukoy na isyu ang pagtanggap umano ni Duterte sa posisyon bilang kalihim ng Department of Education sa kabila ng umano’y kakulangan sa karanasan, pati ang mga alegasyon ng fake student vouchers, panis na pagkaing naipamahagi sa ilang paaralan, at mga school materials na hindi naideliver.

Idinagdag pa ni Castro ang pahayag umano ni Duterte na may alam siyang paraan upang mapababa ang presyo ng bigas ngunit hindi niya ito ibinahagi dahil ayaw niyang tulungan ang Pangulo.