-- Advertisements --

Pinaghahain ng complaint affidavit ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan alyas Totoy matapos idawit ang ilang pulis sa kontrobersiyal na kaso ng pagkawala ng mga sabungero.

Si Alyas Totoy ay isa sa mga akusado sa kaso ng mga nawawalang sabungeros.

Ayon kay National Police Commission (NAPOLCOM) vice chairperson Atty. Rafael Calinisan, kapag inihain mismo sa NAPOLCOM mas mapapabilis aniya ang pag-usad ng reklamo laban sa mga isinasangkot na pulis.

Kayat umaasa ang komisyon na maghahain ng affidavit si alyas Totoy.

Matatandaan, noong Huwebes sinabi ng komisyon na mayroon itong listahan ng mga pulis na sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungeros. Ang mga pulis aniya na dawit sa kaso ay ipapatawag para harapin ang administrative investigation.

Nauna na ring ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inilagay sa restricted duty ang 15 pulis na umano’y nagsagawa ng executions sa kaso ng mga nawawalang sabungero.