Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ilang weather systems ang patuloy na makaaapekto sa bansa ngayong Miyerkules, na magdudulot ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan sa iba’t ibang lugar.
Ayon sa state weather bureau, magdadala ang shearline ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at mga panaka-nakang pagkidlat at pagkulog sa Bicol Region, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Northern Samar.
Samantala, makararanas naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Palawan bunsod ng low pressure area (LPA).
Dahil sa easterlies, asahan na ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa natitirang bahagi ng Eastern Visayas.
Ang parehong weather system ay magdudulot din ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga panandaliang pag-ulan o thunderstorms sa iba pang bahagi ng bansa.
Makakaapekto naman ang Northeast Monsoon o Amihan ng maulap na papawirin na may mahihinang pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Aurora.
Apektado rin nito ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng Luzon, kung saan inaasahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga panaka-nakang mahinang ulan.
















