Inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan at pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa sa loob ng susunod na 24 oras dahil sa tatlong umiiral na weather systems, ayon ‘yan sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo ng hapon.
Batay sa weather forecast ng state weather bureau, magdadala ang shear line ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Isabela, Aurora, Quezon, at mainland Cagayan.
Samantala, ang easterlies naman ay magdudulot ng pag-ulan sa Visayas, MIMAROPA, Bicol Region, Dinagat Islands, Surigao del Norte at Sur, at Davao Oriental.
Makakaranas rin ng maulap na panahon na may pag-ulan ang Batanes, Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, at Ilocos Norte dahil sa Northeast Monsoon o Amihan. Bahagyang maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan ang inaasahan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Nagbabala ang weather bureau na posibleng magdulot ang mga weather system ng flash floods at landslides, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng pag-ulan.
Inaasahan din ang malalakas hanggang gale-force sa karagatan sa extreme northern Luzon.
















