Nakatakdang haharap sa Manhattan federal court sa Lunes ang Pangulo ng Venezuela na si Nicolás Maduro.
Ito ang kinumpirma ng isang opisyal ng U.S. Department of Justice. Si Maduro ay nahaharap sa iba’t ibang kaso sa Estados Unidos, kabilang ang sabwatang may kaugnayan sa narco-terrorism.
Nahaharap din sa mga kaso ang kanyang asawa, kabilang ang sabwatang may kinalaman sa pagpasok ng cocaine sa Estados Unidos.
Bago ang kanyang unang pagharap sa hukuman, inaasahang mananatili si Maduro sa Metropolitan Detention Center sa Brooklyn.
Lumapag ang eroplano kung saan lulan si Maduro at ang kaniyang asawa sa Stewart International Airport, humigit-kumulang 97 kilometro hilagang-kanluran ng New York City.
Matapos lumapag ang sasakyang panghimpapawid, ilang tauhan ng Estados Unidos na nakasuot ng may marka ng FBI at iba pang ahensya ang umakyat sa eroplano.
Samantala, nananatiling hindi malinaw kung paano umano planong pangasiwaan ni US Pres. Donald Trump ang Venezuela.
Sa kasalukuyan, walang direktang kontrol ang puwersa ng Estados Unidos sa naturang bansa, at patuloy pa ring namumuno ang pamahalaan ni Maduro na tila walang balak makipagtulungan sa Washington.
Wala pang opisyal na pahayag ang pamahalaan ng Venezuela kaugnay sa pagkaka-aresto sa kanilang Pangulo na si Nicolas Maduro.
















